What's new

Harapin Ang Liwanag Chapter 12 Part 2 - Trouble

DaKonig

Forum Expert
Liwanag.webp


Harapin Ang Liwanag

“We all die. The goal isn’t to live forever, the goal is to create something that will.” - Chuck Palahniuk

Chapter 12 Part 2 - Trouble


Nung gabing yun sinimulan na ni Lorenzo ang pagturo kay Guillermo kung paano humawak ng espada “kahoy?” tanong ni Guillermo nung inabutan siya nito ni Lorenzo. “Oo, ito ang unang sandata mo at habang nag-eensayo ka para matutong gumamit ng espada yan muna ang gagamitin mo” sabi ni Lorenzo sa kanya. “Sundin mo lang ang kilos ko” sabi niya na sumunod sa galaw niya si Guillermo at ineensayo din niya si Guillermo sa pagpapalakas ng katawan niya. Bumibisita din si Prinsesa Lucia sa kanila habang nag eensayo sila ni Lorenzo at dinadalhan din niya ng damit at makakain si Guillermo dahil alam niyang hindi sapat sa kanya ang nakukuha niya sa gubat.

Lumipas ang panahon at naging bihasa narin si Guillermo sa paghawak at paggamit ng espada at tinuturoan din ito ni Lorenzo sa mga stratehiya pagdating sa pandigma at kung paano talunin ang kalaban gamit ang lakas niya. “Kapitan, salamat po sa lahat ng tinuro niyo sa akin” sabi ni Guillermo isang gabi nung nagpapahinga sila pagkatapos nilang mag-ensayo “wala yun Guille, tulong ko na din sayo yan” sabi niya. “Ano ang gagawin mo pagkatapos natin dito?” tanong ni Lorenzo sa kanya “sasali po ako sa hukbong ng mga bampira para magsilbi sa Prinsesa” sabi niya “hindi kay Haring Voltaire?” tanong ni Lorenzo “hindi Kapitan” sagot niya na napangiti si Lorenzo. “Tama lang din pala na tinuroan kita” nakangiting sabi ni Lorenzo na napangiti si Guillermo.

Naglalakad na sila pabalik sa kubo ng mapansin ni Lorenzo na me sumusunod sa kanila “hmmm..” lang siya “Kapitan?” tanong ni Guillermo “wala, kumusta ang kondisyon mo?” tanong ni Lorenzo. “Maayos lang ako Kapitan, napapansin ko pong gumagaan na yung espadang ginagamit ko” sagot niya “magaling, ibig sabihin nasanay kana sa bigat niyan” sabi ni Lorenzo “oonga po” sabi ni Guillermo. Napansin ni Lorenzo na palapit na palapit na sa kanila yung sumusunod sa kanila kaya humawak agad siya sa hawakan ng espada niya at nung nakita niya ito sa gilid ng mata niya inalis niya ang kamay niya sa espada niya at napangiti siya.

Tuloy lang sa pagkwento si Guillermo tungkol sa kondisyon niya at sa plano niya pagbalik sa kaharian ng mga bampira ng biglang yumuko si Lorenzo na nagulat nalang si Guillermo nung me tumalon sa kanya. “AAAHHH…HOY..HOY ARAAAAYYYYY…” napasigaw siya nung kinakagat-kagat siya sa balikat “hahahaha” natatawa lang si Lorenzo nung nakita niya ito “KAPITAN.. TULONGAN MO AKO!” humingi ng tulong si Guillermo sa kanya na sumandal lang si Lorenzo sa puno at nanood lang sa kanila. “Gamitin mo ang tinuro ko sayo, Guille” sabi ni Lorenzo sa kanya na binuhat ni Guillermo ang umatake sa kanya at binato niya ito palayo sa kanya. “GRRRRRR” narinig nila galing sa umatake sa kanila na kita nilang ang dungis ng mukha at sobrang lagkit ng buhok nito.

Bubunotin na sana ni Guillermo ang espada niya ng pinigilan siya ni Lorenzo “pero Kapitan, delikado siya” sabi ni Guillermo sa kanya “kumalma ka Guille at tiningnan mo siya ng mabuti” sabi ni Lorenzo sa kanya. Inalis ni Guille ang kamay niya sa espada niya at tiningnan ang taong umatake sa kanya “****?” gulat niyang sabi na napatango si Lorenzo sa kanya “tingnan mo ang bibig niya” sabi ni Lorenzo na nakita nilang me pangil ito. “Bampira siya” sabi ni Guillermo na me kinuha si Lorenzo sa bag niya at nilapitan niya ito “Kapitan! Baka kagatin ka niyan!” babala ni Guillermo sa kanya “kalma lang Guille, tinatakot mo siya” sabi ni Lorenzo.

“Ta… ako pa ang nanakot sa kanya?” sabi ni Guillermo na humawak muli ito sa hawakan ng espada niya “Guille, sabi kong huwag!” utos ni Lorenzo sa kanya na sumunod lang siya “****, nagugutom ka ba?” tanong ni Lorenzo sa kanya. Umatras yung **** palayo sa kanya “huwag kang matakot, halika lapit ka” sabi ni Lorenzo sa kanya. Nagdadalawang isip itong lumapit sa kanya “alam kong nagugutom ka ito kunin mo” sabi ni Lorenzo na inabutan niya ito ng maliit na pouch na urong-sulong ang batang lumapit sa kanya. “Kapitan” tawag ni Guillermo “dyan ka lang Guille, huwag kang gumalaw” utos ni Lorenzo sa kanya na agad kinuha ng **** yung pouch at lumayo ito ng konte at sinubo niya ito sa bibig niya na nakita ni Lorenzo na napapikit ito nung nalasahan ang laman ng pouch.

“Meron pa akong marami dito kung gusto mo” nakangiting sabi ni Lorenzo na dahan-dahang lumapit sa kanya ang **** at kinuha ang tatlong pouch sa palad niya at bigla nalang itong umupo sa lupa at sinubo ito. Lumapit sa kanila si Guillermo nung napansin ito ng **** bigla nalang itong nag “grrrr..” “Kapitan!” tawag ni Guillermo “dyan ka lang Guille” utos ni Lorenzo sa kanya na tumigil siya at bumalik sa pagkain ang **** sa binigay ni Lorenzo. “Ang baho mo” sabi ni Lorenzo sa kanya na tumingin sa kanya ang **** “gusto ko pa” sabi bigla nung **** na nagkatinginan si Lorenzo at Guillermo “heto, marami pa ako dito” binigyan pa siya ni Lorenzo na pansin niyang kumalma na ang **** at kita niyang naging kampante na ito sa kanya.

Tumayo na si Lorenzo at binigyan pa niya ng limang pouch ang **** at iniwan na nila ito, habang naglalakad sila napansin narin ito ni Guille na sumusunod ito sa kanila “Kapitan” sabi niya “oo, napapansin ko” sabi ni Lorenzo. “Hayaan mo lang siya” sabi ni Lorenzo na hinayaan lang nila itong sumunod sa kanila pabalik sa kubo nila at nung nasa harap na sila ng kubo nakita nilang sumilip ang **** sa likod ng puno. “Kapitan?” “hayaan mo lang siya, pumasok na tayo sa loob” sabi ni Lorenzo sa kanya na hindi nila sinara ang pinto at makalipas ang ilang sandali biglang dumungaw ang **** sa pinto na nginitian siya ni Lorenzo nung makita niya ito at naglakay ng limang pouch sa plato at nilagay sa mesa.

“Halika, pasok ka” yaya ni Lorenzo sa kanya na agad itong pumasok nung nakita niya ang limang pouch sa mesa “ang baho mo!” sabi ni Guille sa kanya na sinara na ni Lorenzo ang pinto dahil malapit ng lalabas ang araw. Sinabayan narin nila ang **** sa mesa habang nagtatakip ng ilong si Guillermo dahil parang ilang taon ng hindi naliligo ang batang ito “mamayang gabi papaligoan natin siya” sabi ni Lorenzo. “Dapat lang, kung titira siya kasama natin dito dapat maligo siya” sabi ni Guillermo na nag “grrrrrr” lang sa kanya ang **** na natawa lang si Lorenzo “ako nga pala si Enzo, siya naman si Guille, ano ang pangalan mo?” tanong niya sa **** na kita niyang tumulo pa yung dugo sa gilid ng bibig nito “Morietta” sagot nung **** sa kanya.

Nung gabing yan pinaligoan ni Lorenzo si Morietta at nakita nila na maganda pala ito, dinalhan narin niya ito ng damit at pagkatapos binigyan niya ito ng pouch na me lamang dugo at sinama narin nila ito sa training ground nila. Nakaupo lang sa tabi si Morietta habang pinapanood silang nag-eensayo ng biglang tumayo ito kaya napatigil silang dalawa “bakit, Morietta?” tanong ni Lorenzo sa kanya “me papalapit sa atin” sabi niya “Guille” sabi ni Lorenzo na tumango ito at lumapit siya kay Morietta. Tumayo lang si Lorenzo at pinikit niya ang mga mata niya “ano ang ginagawa niya?” tanong ni Morietta “nakikiramdam siya sa paligid” sagot ni Guillermo na nakita nilang napangiti si Lorenzo

“Mahal” sabi ni Lorenzo na kumalma si Guillermo “mahal?” takang tanong ni Morietta “ang mahal na Prinsesa” sabi ni Guille na niluhod niya ang isang tuhod niya sa lupa at niyuko ang ulo niya pati narin si Lorenzo. “Ano ang..” takang tanong ni Morietta na bigla nalang niyang nakita si Prinsesa Lucia na nakatayo sa harap ni Lorenzo at pinatayo siya nito “Guillermo” tawag ni Prinsesa Lucia sa kanya na tumayo din ito “mahal na Prinsesa, maligayang pagdating po” bati niya “salamat, Guilllermo” sabi niya “kinagagalak kitang makita, mahal” sabi ni Lorenzo sa kanya na nagyakapan silang dalawa. Napansin ni Prinsesa Lucia si Morietta “mahal na Prinsesa siya po si Morietta” pakilala ni Guille sa kanya na hinawakan niya ito sa ulo at niyuko ang ulo ni Morietta.

“Magbigay pugay ka sa mahal na Prinsesa” sabi ni Guillermo sa kanya na pilit inaalis ni Morietta ang kamay niya “Guillermo, hindi mo dapat ginawa sa kanya yan” sabi ni Prinsesa Lucia sa kanya. “Patawad po, kamahalan” sabi ni Guillermo na inalis niya agad ang kamay niya sa ulo ni Morietta na tinadyakan siya nito sa tuhod na napayuko siya sa sakit at agad tumakbo si Morietta sa likuran ni Lorenzo. “Ikaw naman kasi Guille” sabi ni Lorenzo sa kanya “pasensya na po” sabi ni Guillermo “huwag ka sa akin humingi ng pasensya” sabi ni Lorenzo sa kanya na napabugnot nalang si Guillermo at nilabas ni Morietta ang dila niya para asarin siya na natawa lang si Prinsesa Lucia sa kanila.

“Saan ka pala galing at nasaan ang mga magulang mo?” tanong ni Prinsesa Lucia kay Morietta “taga ibang lalawigan po ako, wala na po ang mga magulang ko” sagot niya “ano ang nangyari sa kanila?” tanong ni Prinsesa Lucia. Napayuko ang ulo ni Morietta at naluha ito “pinatay po sila nung sumalakay ang mga taong lobo sa lugar namin, pinatakas ako ng mama ko kaya po ako napadpad dito” kwento ni Morietta. “Merong tribu ang mga taong lobo dito pero hindi sila kagaya dun sa mga umatake sa inyo” sabi ni Lorenzo sa kanya “paano kung… katulad sila dun sa mga taong lobo sa pinaggalingan ko?” takot na sabi ni Morietta. Nilagay ni Lorenzo ang kamay niya sa ulo ni Morietta at sabing “hanggang kasama mo ako, walang sino man ang mananakit sayo” nginitian niya si Morietta.

Samantala sa palasyo nagsisimula ng magkulong si Haring Voltaire sa silid niya habang pinag-aaralan niya ang nabasa niya sa isang pahina sa Aklat ng Dilim “papa, si Alister ito” kinatok siya ng Prinsepe na di niya ito binuksan. “Papa! papa!” tawag niya na di siya nito pinansin “papa, ano ho ba ang nangyari?” tanong ni Prinsesa Lucia sa kanya “hindi ko alam anak, ilang linggo naring nagkukulong ang lolo mo sa silid niya” sagot ni Prinsepe Alister. “Nag-aalala na ako sa kanya, papa” sabi ni Prinsesa Lucia “ako din anak, hayaan lang muna natin siya baka lalabas na yan siya mamaya” sabi ni Prinsepe Alister at umalis sila sa harap ng pinto ng kwarto ng Hari at sa loob nito nagsisimula ng bumuo ng plano kung paano niya maisakatuparan ang binabalak niya.

Bumisita muli si Prinsesa Lucia sa tatlo na ngayon ay tinuroan narin ni Lorenzo si Morietta kung paano lumaban na napapansin ni Prinsesa Lucia na gumagaling na si Guillermo at nahahabol na niya ang bilis at lakas ni Lorenzo. Nung natapos na sila naupo silang apat sa mesa sa loob ng kubo “nag-aalala ako sa lolo ko, Lorenzo” sabi ni Prinsesa Lucia “hindi ba me karamdaman ang mahal na Hari?” tanong ni Lorenzo sa kanya. “Oo, kaya nga lalo kaming nag-aalala sa kanya lalo na ngayon na nagkukulong lang siya sa kwarto niya” sabi ni Lucia “mahal na Prinsesa bigyan lang po natin siya ng panahon” sabi ni Guillermo na napangiti sa kanya si Lucia. “Guillermo, kelan ka ba babalik sa palasyo?” tanong ni Prinsesa Lucia sa kanya na tumingin siya kay Lorernzo.

“Dalawang buwan Prinsesa” sagot ni Kap. Lorenzo sa kanya na napangiti si Guillermo sa sagot niya “aasahan ko yan” sabi ni Prinsesa Lucia na nagtawanan silang apat, tuloy lang sila sa kwentohan nila ng biglang dumating ang isa sa tauhan ni Prinsesa Lucia. “Ano ang nangyari?” tanong niya “mahal na Prinsesa kailangan po kayo sa palasyo” sabi nito na agad siyang tumayo at nagpaalam sa tatlo “sasamahan ko na po kayo, kamahalan” sabi ni Guillermo. “Hindi dito ka nalang, tuloy mo ang pag-ensayo mo” sabi ni Prinsesa Lucia na sinamahan nila ito sa labas at pagkatapos magpaalam naging anino sila at nawala sila bigla. “Sana walang nangyari sa palasyo” sabi ni Guillermo “nandun si Prinsepe Alister sigurado akong ligtas sila doon” sabi ni Lorenzo na niyaya niya pabalik ng kubo si Guillemo pero hindi parin mawala ang pag-aalala niya sa Prinsesa.

Pagdating ni Prinsesa Lucia sa palasyo nakita niya ang papa niyang nakadapa sa sahig at tila me sugat ito sa braso “PAPA!” sigaw niya na nagmamadali silang pinatayo ang Prinsepe “papa, ano ho ang nangyari sa inyo?” tanong ni Prinsesa Lucia. Tinulak siya palayo ni Prinsepe Alister at nilabas nito ang espada niya na napatumba sa sahig si Prinsesa Lucia at nakita niyang naglaban ang ama niya at ang lolo niya. “LOLO, PAPA ITIGIL NIYO NA ITO!” sigaw niya sa dalawa na walang nagawa ang mga tauhan nila dahil sa tuwing lalapit sila pinagtataga sila ni Haring Voltaire. Pinigilan ng mga tauhan nila si Prinsesa Lucia dahil pilit niyang lumapit sa dalawa at natatakot sila sa buhay niya dahil parang baliw na si Haring Voltaire.

“Tawagin si Kapitan Lorenzo, humingi kayo ng tulong sa kanya” utos ni Prinsesa Lucia sa tauhan niya na nagmamadali itong umalis at nagulat sila nung sinaksak ni Haring Voltaire si Prinsepe Alister sa balikat. “PAPAAAAA!” sigaw ni Prinsesa Lucia “AAAAHHHH” napasigaw si Prinsepe Alister “TUMAKBO KA ANAK!” sigaw niya kay Prinsesa Lucia na iniwan ni Haring Voltare si Prinsepe Alister na napahiga sa sahig at nilapitan si Prinsesa Lucia. “Huwag niyong hayaang makalapit ang Hari kay Prinsesa Lucia” utos ni Kap. Zandro sa mga tauhan niya na lahat sila nilabas ang mga espada nila “ANO ITO! BINUNOTAN NIYO AKO NG ESPADA NIYO?!” sigaw ni Haring Voltaire sa kanila na binugahan sila ng apoy nito na agad binuhat ni Kap. Zandro si Prinsesa Lucia at binato niya ito sa pader para makaiwas ito na sila ang nasunog sa binugang apoy ni Haring Voltaire.

“HUWAAAAGGGGG!” sigaw ni Prinsesa Lucia na lumapit sa kanya ang Hari at hinawakan siya nito sa braso at hinila siya pababa sa kulongan nila at pinasok siya doon sa loob. “LOLO ANO ITONG NANGYAYARI SA INYO?” tanong ni Prinsesa Lucia sa kanya “kapangyarihan apo, kapangyarihan” sabi ni Haring Voltaire na hinubad niya ang korona niya at binigay niya ito sa kanya. Pinasuot niya ito kay Prinsesa Lucia at sabing “ikaw ang taga pagmana sa kaharian ko, Lucia… simula ngayon ikaw na ang Reyna” sabi ni Haring Voltaire bago niya sinara ang pinto at kinandado ito. “LOLO! LOLO! LOLO!” pagsisigaw ni Lucia na umiyak ito sa loob ng kulongan at pilit binuksan ang pinto para tulongan ang papa niya.

Nung nakabalik na sa taas si Haring Voltaire pinatay niya ang mga tauhan niya na humadlang sa kanya at pagkatapos kinaladkad niya si Prinsepe Alister papunta sa silid ng truno niya. “Papa.. ano ang gagawin niyo?” tanong ni Prinsepe Alister na pinahiga siya nito sa harapan ng truno niya na pumasok ang mga tauhan niya at pilit siyang pinapatigil sa ginagawa niya. “Huwag kayong makialam” sabi niya na binugahan niya ito ng apoy na nagtago sila sa panagga nila “PATAWARIN MO KAMI KAMAHALAN!” sigaw nung pinuno ng hukbong nila at pinagpapana nila si Haring Voltaire na nagalit ito lalo at bumuga ulit siya ng apoy na nasunog ang mga tauhan niya at dalawa nalang ang naiwan sa mga sundalong punasok sa silid.

“Patawad anak” sabi ni Haring Voltaire na nanlaki ang mata ni Prinsepe Alister nung makita niya ang Aklat ng Dilim na lumulutang sa harapan ng ama niya “AMA… HUWAG… HUWAG MONG GAMITIN YAN!” sigaw ni Prinsepe Alister. “KAMAHALAN.. ITIGIL NIYO NA PO ITO!” sigaw nung isang tauhan niya na nakadapa ito sa sahig dahil nasunog ng Hari ang mga paa niya “KAMAHALAN MAAWA PO KAYO.. HUWAG NIYONG ITULOY!” sigaw nung isa na bigla nalang lumiwanag ang Akalat ng Dilim. “HUWAAAGGGGGGGG” sabay sigaw nilang tatlo na biglang lumutang sa ere si Haring Voltaire “Sufletul convergente! (soul converging)” bigkas ni Haring Voltaire na lumabas ang mga kaluluwa ng tatlo at pumasok ito sa katawan niya. Biglang naging bato ang tatlo pagkatapos ang ritwal at lumiwanag ang katawan ng Hari at pagkatapos biglang sumabog ang silid nung sumigaw siya.

Napatapon sa gilid ng silid ang Aklat ng Dilim at naging kulay pula ang mga mata ng Hari at nararamdaman niyang lumalakas pa siya lalo sa tatlong kaluluwang pumasok sa katawan niya. “HAHAHAHA AKO NA ANG PINAKAMAKAPANGYARIHAN SA LAHAT!” natatawang sabi niya na bigla nalang siyang pinagpapana ng mga tauhan niya na lahat ng panang tinira sa kanya napahinto ito sa ere at umikot ito at bumalik sa kanila. Nasira ang pader ng palasyo at lumabas si Haring Voltaire na nakita niya sa paligid ang maraming lobo na naghihntay sa kanya “SABI KO SAYO VOLTAIRE, ORAS NA GAGAMITIN MO ANG LIBRONG YAN AKO MISMO ANG PAPATAY SAYO!” sigaw ni Haring Damyan na ngayon ay nanggagalaiti narin sa galit.

Binalita kasi ni Lorenzo sa mga kaalyado nila ang nangyari sa loob ng palasyo nung nakarating ang bampira sa kubo nila ni Guillermo, ngayon naghahanda sila para pigilan si Haring Voltaire sa binabalak niya. “Tingin niyo matatalo niyo ako? Isa na akong Dyos!” sabi ni Haring Voltaire na hinugot ng mga taong lobo ang mga sandata nila pati narin ang mga bampira at lahat sila naghahanda sa pag-atake ni Haring Voltaire. “HAHAHAHA KAHIT SABAY-SABAY PA KAYONG UMATAKE SA AKIN HINDI NIYO AKO MATATALO!!” paghamon ni Haring Voltaire na bigla nalang sumulpot sa kaliwa niya si Haring Damyan at nakataas na ang espada niya para hampasin siya na bigla nalang itong napatigil sa ere nung tinaas ni Haring Voltaire ang kamay niya.

“Sabi ko sayo aso, hinding-hindi mo ako matatalo” sabi ni Haring Voltaire sa kanya na biglang me lumabas na espada sa kamay niya at lumipad ito patungo kay Haring Damyan. “AMA!” sigaw ni Hen. Romolo na agad niyang binato ang patalim niya at tumama ito sa espadang papalapit kay Haring Damyan kaya lumagpas sa kanya ito at hindi siya natamaan. “Pakialamerong aso!” galit na sabi ni Haring Voltaire na umatake ang mga lobo sa kanya kaya lumipad siya paitaas kasama si Haring Damyan at binugahan niya ng apoy ang mga lobong umatake sa kanya. “UMATRAS KAYO!” sigaw ni Hen. Romolo sa mga tauhan nila at pinahanda ni Kap. Dante ang mga tauhan nilang panain si Haring Voltaire.

“PATAYIN NIYO SIYA!” sigaw ni Kap. Dante na pinana ng mga sundalo nila si Haring Voltaire pero huminto lang ang mga bala nila sa ere at bumalik ito sa kanila kaya nagsitalunan at nagtago sila pero yung iba natamaan at napatay. Samantala sina Lorenzo, Guillermo at si Morietta pumasok sa loob ng palasyo para hanapin si Prinsesa Lucia “baka kinulong siya sa kwarto niya” sabi ni Guille kaya inutosan silang dalawa ni Kap. Lorenzo umakyat sa kwarto ni Prinsesa Lucia habang kasama naman niya ang bampirang inutosan ng Prinsesa papunta sa kulongan ng palasyo. Pagdating nila sa baba me nakabantay sa labas ng pinto ng kulongan “tumabi kayo!” sabi ni Lorenzo sa kanila na naghanda ito para lumaban sa kanya.

“Hindi niyo ba alam na nagkakagulo na sa labas” sabi nung bampirang kasama niya na hindi parin sila tumabi “wala na tayong panahon” sabi ni Lorenzo na hinugot niya ang espada niya at naglaban sila. Nung natalo na nila Lorenzo at kasama niya ang mga bantay agad nilang binuksan ang pintuan at nakita nilang nakahiga sa kama si Prinsesa Lucia at umiiyak ito “mahal ko!” tawag ni Lorenzo. Lumingon si Prinsesa Lucia at bumangon agad ito at yumakap sa kanya “mahal… huhuhu.. si papa.. wala na si papa” naiiyak na sabi ni Prinsesa Lucia “si Prinsepe Alister” sabi nung kasama nila na napasandal ito sa pader at nalungkot ito. “Mamaya na tayo mag-usap kailangan na nating umalis dito” sabi ni Lorenzo na hinila niya palabas ng kulongan si Lucia kasama ang sundalong tumawag sa kanya at pagdating nila sa taas nakasalubong nila si Guillermo at si Morietta.


// itutuloy ....

 

About this Thread

  • 8
    Replies
  • 347
    Views
  • 8
    Participant count
Last reply from:
sorrymybad2

Trending Topics

Online now

Members online
4,587
Guests online
2,020
Total visitors
6,607

Forum statistics

Threads
433,577
Posts
9,005,108
Members
424,737
Latest member
greasygoose17
Back
Top